Ang Filipino, ang wika ng pag-ibig.
- Thomas Andrew Pescador
- Aug 9, 2020
- 2 min read
Updated: Sep 16, 2020
This essay was submitted to the Filipino Heritage Festival Essay Contest.
Madalas na puna sa mga kantang OPM ngayon ay ang kanilang kababawan dahil ang mga kanta nito ay puro tungkol sa pag-ibig. Ngunit, natutunan ko na mas malalim ang kaugnayan ng wikang Filipino at ng pag-ibig. Intriga, digmaan, rebolusyon at ang diwang Pilipino. Matatagpuan ito sa ating pag-uugnay sa Filipino at pag-ibig.
Balikan natin noong panahon ng Kastila, dumudungaw sa bintana ang isang dilag na sinusuyo ng isang mahiyaing binata. Ang binata ay kumakanta nang buong lakas-loob upang ipahayag ang kanyang pag-ibig. Dito nahahayag ang tradisyong Pilipino na Harana.
Habang ang iba ay naghaharana sa kanilang sinusuyong dilag, may iba naman na hindi mahal ang babae subalit mahal ang ina… Ang Inang bayan. Sa paraang sikreto at subersibo, ang mga Pilipino ay nagkaroon ng mga kantang ukol sa pag-ibig na kapag binasa lamang ay parang kanta sa isang binibini, ngunit kapag iyong inunawa ang awit, ito ay tungkol sa kanilang pagmamahal sa bayan. Ang sigaw ng kalayaan at pagmamahal sa bayan na nakatago sa bawat notang kinakanta sa malungkot at madamdaming awitin. Kahit tapos na ang panahon ng mga Kastila patuloy pa ring naririnig at inaawit ang awiting ito, sapagkat nakakaakit sa ating pandinig. Pinagyaman ito ng mga iba’t-ibang magagaling na kompositor tulad ni Francisco Santiago at Nicanor Abelardo. Ito ang tradisyonal na awit tungkol sa pag-ibig, ang Kundiman.
Lumipas ang maraming taon at dekada setenta na. Itong uri ng musika ay nagsimula sa dekadang ito at madami itong impluwensyang internasyonal. Matatawag nang buong puso na Pilipino ang awiting ito, sapagkat nagsimula ito sa grupong “Hotdog” noong nilikha nila ang kantang “Manila”, dahil sa labis na pananabik sa lugar ng Maynila. Itong uri ng musikang ito ay naging bahagi ng mga kasiyahan o kapag may labis na minamahal, habang ang iba naman ay nagsasaya, may mga ibang tao na pinapalalim nila ang musikang ito upang ipakita ang mga iba’t-ibang problema sa lipunan tulad ng tunggalian ng uri, ang pangarap ng mga ibang Pilipino na mas maganda ang buhay sa labas ng Pilipinas, o ang tingin ng lipunan na angat ang isang tao kapag nakapag-asawa ng isang banyaga. Ito ang kantang pag-ibig sa sarili at sa sariling atin, ang Manila Sound.
Ang mga impluwensyang ito ay makikita pa rin sa ating OPM ngayon. Karamihan ng mga kanta ay tungkol sa pag-ibig sa tao o ang kawalan ng pag-ibig. May iilan na tumatama nang malalim, nagpapahiwatig ng totoong nangyayari sa lipunan. Ang sakripisyo ng ating mga OFWs dahil sa kanilang pagmamahal sa pamilya o ang pagmamahal sa sariling bayan kahit mahirap, hanggang sa pagmamahal sa isang tao na walang kasiguraduhan kung siya ay mananatili sa kanyang buhay. Ito ang modernong ekspresyon ng pag-ibig ng mga Pilipino.
Ang wikang Filipino ay maituturing na wika ng pag-ibig kung saan naihahayag ang kasaysayan ng pag-ibig. Ito ang ating pinakamahalagang pamana, ang Pilipinong ekspresyon at diwa na hango sa ating wika.
ความคิดเห็น